Bagong Daloy Mula Kay Isagani sa Tatlong Entablado ng Panahon Habang Pasulong na Lumalakad Pabalik
ni: Reynaldo F. Tamayo (199?)

Doon sa dakong dulo ng 'yong kwarto'y nakatulala ka na naman. Pasiga-sigarilyo, pakape-kape. Lakad, paikot-ikot. Tayo at upo, hindi mapakali. Kailangang paandarin ang pagod na isipan para lumabas ang mga ideya na pwedeng idugtong sa mga ginagawa mong nobela.

Puro simula. Ilan na ba lahat 'yon? Sampu? Labing-isa? Isandaan? Tatlo?

Pagsusulat ang 'yong kinahihiligan ngayon. Hilig na 'di mo naman malaman kung pa'no pipigain sa 'yong utak, pagagapangin sa kamay, hanggang sa tuluyan nitong mautusan ang 'yong mga daliri na pumindot sa kaharap na makinilya.

Wala na talaga. Siguro'y lusaw na ang 'yong nagliliyab na pakiramdam sa kagandahan ng bisyong 'to. Pagod ka na nga.

Babae. Isa 'yan sa paborito mong gawa'n ng kwento. Puro tungkol sa pag-ibig.

Saan mo ba dinala ang 'yong kabataan? Sa maayos na bahagi ng umaga? Hubad ka ba sa nagdudumilat na karahasan ng buhay? Ng mga pangit na katotohanan? 'Wag mong sabihin na kanina ka lang ipinanganak? Bakit tila yata kinapos ka sa magagaspang na paglalahad?

Kung sa bagay, marami ka ring mapapakilig sa ganyan. Lalo na 'yong mga matatandang dalaga na nalimutan ng mag-asawa.

Araw-araw pinipilit mong sipsipin at salain ang 'yong mga karanasan upang muli itong itala. Saan pa kundi ro'n sa nagmamakaawa mong mga katha na pinagdamutan magkaro'n ng katapusan. Nananabik sila. Naghihintay.

Hindi pa tapos ang kasaysayan kaya nar'yan ka pa rin. Batang diwa sa matandang katawan. Marami kang gustong patunayan.

Isang gabi nga'y nilamay mo ng husto, at halos walang humpay, ang 'yong pagsusulat. Kape rito, kape ro'n. Ubos na ang asukal at wala ng mainit na tubig pero hindi ka pa rin nauubusan ng ideya.

Naka-sampung rebisyon ka na pero limang talata pa lang ang nagagawa mo. Hindi ka makuntento. Laging may kulang o sobra kang napapansin kaya madalas mong palitan. Palitan ulit...at palitan ulit ng kung ano mang bago na maisipan mo. Hanggang magsawa ka. Hanggang matuyuan ka. hanggang...

Umaga na.

Eskwelahan. Do'n mo madalas dalhin ang isip ng 'yong mga mambabasa. Hindi mo 'yan nakakalimutang gamitin sa pagbuo ng tagpuan. Laging kasama sa bawat pagbibida at kwento. Para bang ika'y habambuhay na naikulong sa mundong estudyante.

Sinubukan mong mag-eksperimento para maging kakaiba. Iba sa kumbensyunal. Iba sa balangkas na kinasanayan ng henerayon sa likod mo. Mahahaba at tuluy-tuloy na pangungusap, na hitik sa kulang-kulang o tinipid na tuldok at maliliit na titik ng detalyadong pagsasalarawan sa kung anu-anong bagay, tunog, lugar at pangyayari. Bagong stilo sa kontemporaryong literatura. Iniba lang ang paraan pero luma pa rin ang tema. Pampagana. Mamamayan, sambayanan, tao. Binalak mong isulat sila. Ang tanging balon ng walang hanggang karanasan na makapupuno sa iyong walang hanggan ding mga kwento. Ano ba ang takbo ng mga kwentong 'yon? Gaya rin ba nang isinusulat ng marami, na madalas ay konti lang? Konti lang ang nilalagay na totoo? Binabasura agad 'yong mga pangit sa paningin, pangit sa panlasa, pangit sa pang-amoy, at kung anu-ano pang pangit. Basta kailangang maganda lagi ang tabas ng kwento. Para bang nasa loob ng paraiso, hindi uso ang problema kaya walang dapat mamrublema.

Kailangan mo ngayon ng inspirasyon. Para madali'y dapat 'yong kabisado mo na. Hindi ka mawawala saang sulok ka man magsuot.

Tema ng buhay mo ang 'yong naisipang pakialaman at ihayag. Isulat. Sinubukan mong pumasok sa katawan ng iba pero pilit kang bumabalik sa sarili.

Natatandaan mo pa no'ng musmos ka'y gustung-gusto mong sumali sa bandang baryo ng mga kabataan sa inyong lugar. Nainggit ka kasi no'ng minsang napanood mo sila. Nakakainggit ang sumikat, at makilala.

Ibinili ka ng 'yong ama ng trumpeta para makasali. Ito ang nagbigay sa 'yo ng pagkakataong makatugtog. Sabik rin kasi s'yang ipagmalaki sa buong sanlibutan ng mga kakilala't kamag-anakan ang mahal na anak na kasali sa banda. Ikinatuwa mo 'yon ng labis. Labis-labis para gawing isa sa pinakamaligayang bahagi ng iyong buhay.

Laging piyesta. Maraming pagkain, maraming tao. Konting kapal lang ng mukha'y busog ka na.

Ngayon, nasa'n na ba 'yong trumpeta mo? Simbolo ng makulay na nakaraan pero pinabayaan mo nang bukbukin ng nanlilimahid na kalawang na tuluyan ng naging mantsa sa dati'y makintab nitong katawan. Ikinulong ng mahabang panahon sa kahong lalagyan nito at 'di man lamang pinatikim ng pahid ng malinis na basahan. Gusto mo pang ibenta.

Matanda ka na para ituloy ang pagtugtog sa banda. Wala na nga ang uhuging bata na madalas mag-ingay sa bahay habang kinakapos ng hangin sa pag-ihip sa trumpeta dahil patpatin ang katawan. Wala na nga ang mga lihis na tono tuwing nag-eensayo para sa nalalapit na piyesta. Unti-unti ng nagpapaalam ang buhok mo. Kasabay nito ay ang unti-unti ring paglapad ng 'yong noo. Nagbago ka na. Matagal mo nang binitiwan ang gawaing 'yon. Bago ka pa tumuntong ng high school. Para sa 'yo'y pang- bata na ang yugtong 'yon.

Nagkaro'n ka na kasi ng piano. Ito na ang bagong tinututukan mo. Buong araw pa nga minsan kung tumugtog ka. Lalo na pag ginaganahan o nagpapahinga matapos sumulat.

Alon ng mga banayad na musika sa bawat hampas ng puti't itim na teklado. Merong pang-solo, meron din namang pang-kantahan. Halos magreklamo na ang mga kapit-bahay sa 'yong nakabubulahaw na konsyerto tuwing madaling-araw. Wala kang pakialam.

Nakalilibang talagang bumalik sa halos ay walang katapusan na ala-ala ng kahapon. D'yan ka, kadalasan, kumukuha ng lakas para makipagbuno sa nakalilitong kasalukuyan. At, 'yan din ang gamit mo sa paghubog ng hinaharap.

Saan ka nga ba gustong pumunta? Libo, kung hindi'y milyon ng beses mong tinanong 'yan sa sarili. Nasagot mo na ba?

Bago mo pabayaang dalhin ka ng agos pabulusok sa masalimuot at sanga-sangang daan ng misteryosong buhay ay sumaglit muna sa payak. Tulad ng kung pa'no tutupad sa 'yong mga binitiwang salita. Hindi puro mabulaklak na katwiran lamang.Ganyan ka nakilala ng mga kaibigan mo dati. Noong lider-estudyante ka pa. Kapag sinabi mo ginagawa mo.

Respitado ka nila.

Pati mga kababata mo ay hindi ka malimutan. Karamihan sa kanila'y maagang kinupkop ng kalye para umistambay araw-araw. Magbilang ng oras at taon habang nakikipag-inuman ng alak sa kanto. Kung may pantaya sa sugal, sige. Halos mga walang silbi't pabigat sa pamilya.

Mas sinwerte ka. Nakapag-aral ng maayos.

Tinulungan mo silang maging makabuluhan nong maisipan mong magsilbi sa masa. Iminulat ang kanilang nahihimbing na kamalayan sa takbo ng lipunan na umaalipin sa kanila. Sunud-sunod ang 'yong pagtuturo ng mga leksyong 'di pinag-aksayahang talakayin sa eskwelahan. Wala kang siningil na anumang bayad.

Umangat ang kanilang dati'y lugmok na kalagayan. Nabuhayan ng loob at ngayo'y nagsisilbi na rin sa masa bilang organisador sa hanay ng magsasaka't manggagawa.

Ikaw naman ang lumihis ng landas. 'O nga pala, nagbago ka na. Maalala mo pa kaya sila? Mga dati mong kasama?

Sana.

Naro'n ka pa rin sa dulong bahagi ng 'yong kwarto. Nakatulala pa rin. Pero ngayon, upod na ang sigarilyong kanina'y kasisindi mo lang.

Nag-iisip pa rin.

Kailan ka ba matatapos? At ang mga nobela, pa'no na?

---wakas---

 
[main] [para sa...] [unang kwento] [ikalawang kwento] [ikatlong kwento] [mga tula] [mga tula uli]
Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution 3.0 License