Bungang-Tulog
ni: Reynaldo F. Tamayo (199?)

Paligsahan ng panaginip. Kitlin man ng diwang gustong magising at kumawala sa yapos ng antok. Igiit man ang sapilitang pagmulat sa nangangalay na talukap ng mga mata.

Palubog ng palubog sa ilalim ng balon nitong makukulay na ala-ala. Pabulusok pa, dahan-dahan, kasabay ng ritmo ng hininga. Sa daidig na ito, ako at ang lahat sa paligid ay maaaring iisa.

Panaginip sa loob ng panaginip. Ako ay totoo lamang sa panaginip ng panaginip ko. Sila ay ganoon din sa akin. Para bang iyong sarili mo sa kabila ng salamin. Kapwa kayo may sariling mundo pero iisa lang kayo. Nagkatagpo lang sa hiwaga ng panaginip...

Umaawit si Igme na parang huni ng kinakalampag na lata. Hinaharana si Carmen sa may bintana habang ang mga mata nito'y nangingislap dahil sa pagsalubong ng pautal-utal na liwanag ng gasera. Hinahabi ni Carmen sa isipan ang mga masasayang ala-ala. 'Singtindi ng apoy ang kanilang nagbabagang damdamin.

Mahal ni Mamerto si Carmen, pero, mahal naman ni Carmen si Igme. Tatsulok na kwento ng pag-ibig at kabiguan ang kanilang kasaysayan. Kapiling sa kwento nila ang nakakubling tagumpay at ligaya na tanging kapalaran lang ang nakakaalam.

Ilang libong dekada, taon, oras, at minuto, na halos ay liku-liko, ang sinagupa ng pag-ibig ni Mamerto. Lahat ito ay naglaho nang pasabugin ni Carmen ang naglalakbay na bula. Bula na syang sasakyan ng mga pangarap ni Mamerto. Isang iglap lang. Bula,bula; ang kulay mong paiba-iba na wari ba'y kasing kisig ng bahaghari sa gitna ng mabangis na unos. Hindi lang si Mamerto ang naakit sa 'yo, kahit na ako.

Si Igme ang kilabot na anghel. Ang mga matutulis nyang pangil at kuko ay nakakubli lang sa makinis na hibla ng putim-puting balahibo. Anghel pa rin sya kahit paano. Anghel, anghel; alagad ng mabuti sa masama naghahari. Anghel, anghel; sa taglay mong liwanag nasilaw nabulag ang sarili mong mga mata na noon pa ma'y nakasara.

Si Carmen ang matinong baliw. Sa kanya nagmula ang matagalang paligsahan ng panaginip. Kayhirap ilarawan sa tuwid na salita ang kanyang mga katangian. Ang natatandaan ko lang, ikinulong sya sa loob ng kahon nitong mga nagdudunung-dunungan. Pinabagsak ng mga malalakas na bisig ang kanyang kahinaan. Matapos ang lahat, sinimsim ang bango na parang bulaklak. Tinapon. Iniwan.

Katabi ni Mamerto si Oying, ang kanyang inspirasyon. Ang kanyang laging kasa-kasama sa paglalakbay patungong silangan. Doon sila titigil, pansamantala, sa dulo ng bahag-hari. Pagmamasdan nilang magkapiling ang pabagu-bago nitong kulay. Asul, berde, pula, bakit ganon ang kulay ng bulaklak ng sampaguita?

Si Oying ang instrumento. Gagamitin ni Mamerto si Oying upang kumawala sa kulungan ng kanyang sarili. Iba't-iba ang anyo ng kulungang ito gaya ng papalit-palit na anyo ni Oying. Sakay si Oying ng puting kabayo patungong walang hanggan.

Ewan ko kung tuluyan nang naligaw si Mamerto. Kailan lang kasi'y narinig ko syang nanlulumo sa karamdaman. Ibig na nyang bumitiw, magpumiglas dahil ang kinakapitang pag-asa'y napasuko na ng marupok na sanga ng kanyang pagkatao. Ang hindi nya alam, gulong ng panaginip ito. Magbabalik muli ang lahat sa landas na pinagmulan.

Kakambal ng mga hagupit sa banat na balat, pinatigas at pinatibay ng itinagong lakas, hinarap ni Mamerto ang kamangmangan. Kalabog ng dumadadundong na puso ang tanging orasan. Gamit ang mga bituin sa loob ng kanyang bulsa, hindi maubus-ubos dahil mas marami pa sa pinagsama-samang buhangin sa dalampasigan, sinubok nyang sungkitin ang tuktok ng puno na kakikitaan ng bungang nagbibigay ginhawa. Puson lamang nya ang nanahimik. Hindi ang kanyang kaluluwa. Hindi si Mamerto.

Patuloy ang animo ay walang katapusang ritmo ng musika. Sari-sari. Hindi gaanong pinapansin ni Mamerto ang nanginginig na kwerdas dahil abala sya sa pagkalabit sa mga ito upang ituloy ang ningas ng malikot na tubig. Tubig nga dahil ang pakiramdam nya'y nasa loob sya ng maalat na tubig ng dagat. Dinadala ng mga alon kung saan-saan. Gusto na sana nyang kapusin sa paghinga pero wiling-wili pa syang magpakalunod. Hindi nya pansin ang daloy ng kalawakan. Lumambot lang syang parang tinapay na babad sa kape. Sa kabila ng mga hindi maipaliwanag na pwersang humahatak-tumutulak sa kanya, nanatiling buo ang lahat.

Maraming diwa si Mamerto pero nanatiling diwa lang. Halos wala ngang nag-aksayang pumansin. Nabingi siguro sa ubod ingay na katahimikan. Sino man ang magtangkang makialam sa kahit na kanino man ay maliligaw.Sino man ang magpakatino at magpumilit umintindi ay lalong mababaliw at mawawala dahil ang bawat diwa ay may sariling diwa. Kahulugan na tanging si Mamerto lang ang nakauunawa.

Nag-aalangan ding magbakasakali si Mamerto na humarap sa walang katiyakang bukas. Alanganin maniguro. Alanganin ang pinakatiyak na kalagayan. Ganon nya nakita ang mundo. Lakas ng loob, tibay ng kung ano mang makakayang patibayin. Pagbali-baliktarin man ay baliktad pa ring babalik sa posisyon ang lahat.

Ang lahat ay may natatagong linaw kahit na hindi ito sagad-sagarang maunawaan ng bubot na si mamerto. Sya, sampu nang kanyang kaibigan at kaaway, ay may kanya-kanyang inihahain na paglilinaw o paliwanag. Ito ay mahalaga sa pagpawi ng mga nakagagambalang sapot sa ating isipan kahit na napakahirap marating ang kalagayan ng walang hanggang karunungan.

Si Mamerto ang kabataan. Napaka-init ng silakbo ng pulang dugo sa kanyang salu-salungat na ugat. Mga tubong dinadaluyan ng kumukulong apoy. Ang buhay ay ikinulong nya sa loob ng makipot na paraiso ng kasalukuyan. Ito kasi ang nakagisnan nyang tunay na paraiso. Dito'y naipagsasama ang hirap at sarap. Ang lungkot at ligaya. Dilim at liwanag. Tinitimbang-timbang nya ang lahat ng mga ito sa pamamagitan ng sukatan na sya lang ang nakakaalam. Walang matalas na hatian ng mga tama at mali. Walang malinaw na dahilan. Walang tuwid na direksyon.

Si Mamerto ang nakapangingilabot na bangungot. Sya ang matinik na banta ng di maipaliwanag na milagro o sumpa. Sya ang kinikilalang salot at tagapagligtas. Ang mamahaling pilak na hugis espada. Anumang oras ay handang gamitin na pangkitil ng buhay.

Si Mamerto ang isipan. Ang ubod dunong na huhusga sa lahat. Paiikutin nya ang inyong mga pananaw gustuhin man o hindi hanggang ito'y malusaw. Ihahatid ang away at digmaan ng mga tulalang nilalang. Nangarap syang abutin ang rurok ng ligaya na hindi nya narating. Hinihingi nya'y kaunting kapayapaan sa gitna ng nag-uumapaw na kapayapaang hindi sya makabahagi.

Nasa kalagitnaan na ang gabi at malinaw ang sikat ng buwan. Pinanunuod ni Mamerto ang iba't-ibang hugis ng ulap. Hugis aso, hugis tao, hugis puno, hugis ng pinakamaliliit na kulisap kaya halos tuldok na sa paningin pero pinipilit pa rin nya itong pansinin. Ayaw nyang ipagwalang-bahala ang ipinagmamalaki nitong ganda.

Simbigat na siguro ng barbel ang talukap ng mga mata ni Mamerto no'ng makita ko syang pupungay-pungay at humihikab. Wala pang ilang sandali'y plakda na s'ya sa mainit-init na lupa ng disyerto. Maswete ka pa nga't biglang bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan. T'wing ikatlong siglo lamang ito nangyayari. Pinalalamig nito ng kaunti ang nagbabagang damdamin naming mga uhaw sa grasya. Kaming mga buhangin lang dito. Pero alam mo bang bumilib din ako sa tapang mo? Ilang beses ka rin kasing pinahagingan ng matatalas na kidlat pero di ka man lang natinag. Hindi ka man lang natakot -- o nanigas ka sa takot? Palagay ko'y sa dila ka tinamaan dahil matagal-tagal ka ring natigil sa pagsasalita. Pasensya ka na kung boses ko lang ang naririnig mo. Hindi ko talaga alam kung bakit hindi ako binigyan ng katawan.

Wala na 'kong masyadong natatandaan sa nakalipas kong buhay. Sinadya sigurong makalimutan ko talaga ang nakaraan. Pakiramdam ko'y natuto na ako pero hindi ko matiyak kung anu-ano ang mga natutunan ko. Hindi ko rin matandaan kung paano ako natuto.

Tamang-tama, tumila na ang ambon-ulan-kidlat. Singaw ng lupa ang nangingibabaw. Nangingibabaw na para bang pakembot-kembot ang galaw ng malalandi nitong tangkay sa pagsibol. Parang bulbol. Buhul-buhol.

Isipin mo na lang na ako'y iyong konsensya. Hindi ko alam kung konsensya nga talaga ako pero mas mabuti na 'yong may pangalan keysa wala.

Panaginip mo lang kaya ako gaya nang ikaw ay panaginip ko?

Pakiramdam ko ay iisa tayo.

Iisa tayo. Parang panaginip pero iisa tayo. Nararamdaman ko, iisa tayo. Singaw ng damdamin, iisa tayo.

Ikaw at ako ay iisa. Ikaw at ako. Mga ala-alang ilang hibla ng hininga na ating sinagap. Mga simoy na kung tikman sa panlasa ay malalim simsimin. Mga damdamin na kung ilang tapik ng pagsibol na ating minahal; nilimot na kasama ng mga natuyong pawis sa ating katawan; nilimot na kasama ng walang patid na paghimod sa mga pangako ng hinaharap.

Kapag nilamon na ng panahon ang ating kabataan, isasama ko si Carmen dito sa disyerto para umusbong naman ang kaunting buhay sa sinapupunan nitong tuyot na kapaligiran. Papawiin ng mga ngiti nya ang pait ng mga pinagdaanan natin Mamerto. Malay mo, magkaroon na ako ng katawan at ikaw naman ay magkaroon na ng konsensya. Malay mo, pareho na nating matagpuan ang daan patungo sa kung saan tayo naitakdang magpunta. Sa lugar na kung saan natin kapwa matatagpuan ang mailap na butil ng kapayapaan. Doon na tayo magpapagaling.

Ikaw at ako ay iisa. Magkapiling nating pakikinggan ang paglubog ng araw sa baybayin ng gunita. Ang matamis na ngiti nito ay ibabaon natin sa paglalakbay na magkasama.

---wakas---

 
[main] [para sa...] [unang kwento] [ikalawang kwento] [ikatlong kwento] [mga tula] [mga tula uli]
Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution 3.0 License