Angil: Pag-ibig, Pagnanasa, at, 'Gaya ng dati, mga Pipitsuging Tula
ni: Reynaldo F. Tamayo (1994-1997)

 

 

"Angil"

agos ng galit
bulusok ng dugo
hininga ay damdamin
karugtong ng puso
sumasabog
kaakbay ng ngitngit
na kumakawala
lumalantad kahit pigilin
hindi kayang limutin
dahil taglay nito ay
walang kaparis na
kati para isambulat
habol ang hininga
nakangiwi
nakatanga
nakanganga

"Pagnanasa"

Akin ka.
Ngayon o bukas pa.
Yakap ko'y madarama
kahit lumayo pa.
Halik ko'y lilipad
Sa pisngi mong
laging hinahangad.
Ikaw ay aangkinin,
itatabi araw-araw.
Igigiit ang gigil
na walang hanggan
Kahit ayaw lambingin
ng kaunting pansin.
Dahil nasa isip lang,
walang makakapigil

"Si Erin: ang babaeng naka eb ko sa panaginip"

Si Erin ang hinintay ko.
Minsan lang sa dalawanlibong
panaginip nasulyapan ang
kagandahan nya.
Nawala pa.
Isang kisapmata,
kasimbilis ng pagsulpot nya.
Sa tagpuan noon ng
mapagbirong isipan
nagkasama kami.
Sa lugar na walang
nabubuhay kundi retaso
ng samu't-saring pangarap
Huminto ang oras
naming dalawa.
Humimpil.
Magkapiling na pinagmasdan
ang isa't-isa.
Nakiramdam.
Umunawa.
Nagising.

"Adiktus"

magsisinungaling ako
kung sasabihin kong
nasasarapan lang ako
nahihirapan din ako
sa kasusunod dito
paulit-ulit
sa inaasahang kakaiba
pabalik-balik
sa hinihintay na
walang hanggan
nasaan?
nakalimutan na yata
kung saan iniwan
babalikan
gaya ng dati
babalikan
tulad palagi
babalikan
lalasapin ang
natuyong dagta
sasariwain ang
halimuyak ng sarap
dadamhin ang ligaya
titiisin ang hirap
pababayaan ang saklap
sukdulang ikamatay
magsisisi lang sa huli
huli man daw ay huli
pero mananatili
magbabaka-sakali

"Chronos"

Everlasting
sentinel of forever
keeper of time
lie with me
in the forest sometime
let the droplets
of memory
kill the nerves
of my consciousness
along with the many
summer songs and
midnight rains therein
everlasting
lover of infinity
timeless and prime
sigh with me
in a melodic mime
dampen my senses
denude my mind
free me from
the utopian paradise
of realistic sham
everlasting
master of moments
endless and divine
eternal
immortal
celestial

"Libog"

Harot at ngiti
alindog at kiliti
laruan sa isip
hanggang sa pagtulog
bago pa gumising
ay kapiling ang
bumabalot na halimuyak
halik na matamis
kislap ng init
sa tigang na kalamnan
linamnam ng hagod
pawisang katawan
maagap na hipo
sa dulas ng tapik
katas ay dadaloy
sa ilog ng gigil
di titigil
tatagal
lunurin man ng lamig
nitong mga gabing malamlam
hihingal
maghahagilap ng lakas
na parang walang wakas
pipiglas at sasabog
at uulit muli
muli at muli pa
pipilitin
kakayanin

"Dugo ng Api"

Lipaking mukha
salamin ng awa
lipunan ang sumupil
sa harap ng madla
nabawasan na yata
silang naaawa
sino'ng nawawala?
sino'ng minasaker?
ibulong nyo na lang
sa hangin at
mag-ingat sana kayo
hahagilapin ng pasa-pasang
kwento iyang bulong mo
para lang isiwalat
na parang sumambulat
na suka ang lahat
kakambal ay dilim
ng paghihiganti
patago sa mga hibla
ng liwanag na kinasasabikan
mong haplusin

Tanghod ay mga
bulag na sinag ng
bungkos ng mga bituin
maagap na kakalat
ang inipong ngitngit
nating ipiniit sa
hawla ng pangarap
liblib sa pananaw
ngunit masiglang
umuusbong sa lupa
ang ating pagod na puso
ang pagsibol ay tutulong
sa pagpapalaganap ng
mailap ng liwanag
tutulungan nitong makakita
ang mga bulag na bituin
bubuhayin ang mga
tigang na kaluluwa
lilipad at lilipad
na isang malaya

"Si Larry at Ako Sa Tuktok ng Mt. Smokey"

Inaantok na ang
katabi kong langaw
ilang kabilugan ng buwan
na nitong hinihintay
madapuan man lang
ang sugat kong namamaga
tanging tuldok ng pakalat-kalat
na alikabok ang nakabara
sa lalamunan nitong walanghiya
kasama ang gamunggong patak
ng tinunaw na basura.
mga basurang tinutuntungan
naming dalawa
mga basurang karugtong
ng aming hininga
mga basurang pantapal
sa aming butas na sikmura
iniluwal kaya ito ng mundo
para sa aming dalawa?
bahala na
basta ang alam ko
mahirap mag-isip
kung walang laman ang tiyan

"Takas"

Takas sa mundo
ng reyalidad na lumipas
katotohanan ng ngayon
kababalaghan bukas
paglabas sa butas
ng wagas na bulalas
takas
takasan hanggang kakayanin
ng lakas
ibayong paglangoy
palayo sa bakas
iwanan ang lahat
at biglang pumiglas
bilisan ang takbo
sa iyong pagtakas

"Sulyap Sa Dako Pa Roon"

Nalimutan yata ako
ako sa kabataan ko
itinabi pinabayaan itinago
iniwan na lang sa limot na ibayo
sa sulok ng panahon
ang lahat ay yumabong
kipkip ay ngiting kupas
pagtangis na kakambal
piraso ng ala-ala
sa pisngi ng bula
lalagos
lahat ay tatagos
na parang tubig sa ilog
aagos
na tulad ng luha
kakawala na paris nitong galit
sa ugat ng inipit na saglit
lalaya
sa pakpak ng liwanag sasakay
mawawala
gaya ng isang masamang panaginip

"Muli"

Muli ay iikot
pilitin mang malimot
agad ay babalik
sa ala-alang isinumpa
iisipin palagi
lilimutin sakali
iiyakan ng konti
iiwasan sandali
sa isip itatago
pipilitin lumabo
ilalabas lang ay ligaya
iyong mga naaalala
hindi rin matitiis
babanggitin sa isip
ibabalik
uulitin

"Tina"

Inalok kita ng ngiti
sinuklian ako sandali
ng simangot na hindi
ko na nalimutan muli
hanggang ngayon sawi

"Bituin"

Pagsapit ng pasko
hihintayin kita rito
ang sabi mo
darating ka
ihahanda ko pa rin
ang lahat ng nakasanayan
di ba sabi mo
darating ka
sisindihan ang mga kandila
ihahain ang mga pagkain
gaya ng sabi mo
darating ka
kakantahin ang mga himig
ipamimigay ang mga bati
dahil sabi mo
darating ka
hihintayin kita
bakante ang upuan mo
ikaw na lang ang kulang
sa paskong pangarap ko

"Transisyon"

Bagong panahon
ang kaharap ngayon.
Nalilitong diwa,
Iba't-ibang bersyon.
Gunaw daw ang kasunod.
Delubyo.
Baha.
Pagyanig.
Apoy.
Linlangin ang pangamba,
basagin ang takot.
Sa pagpasok ng oras
tayo ay pipiglas.
Mag-aaklas
para itindig
ang bagong bukas
na tayo ang lulutas.
Taglay ang liwanag na
titingalain ng madla.
Nagmula, nagtapos
ang lahat sa tuwa.
Guhit ng palad
kasunod ay usad.
Muling sasalubong
sa ngiti ng pag-asa.
Lalampas sa karimlan
na parang isinilang
sa ikalawang muli.

"Hindi Mahalaga"

hindi mahalaga
ano man ang nangyari
ang mahalaga ay
nagkatagpo tayo
hindi mahalaga
kung lumisan ka
ang mahalaga ay
pinilit kitang manatili
hindi mahalaga
kung doon ka tumingin
ang mahalaga ay
sinubukan kong
mapalingon ka
hindi mahalaga
kung gusto mong pumikit
ang mahalaga ay
niyaya kitang dumilat
hindi mahalaga
kung naisip mong
ako ay kalimutan
ang mahalaga ay
naalala kita
hindi mahalaga
kung nawala ka
ang mahalaga ay
narito pa rin ako
para sa akin
narito pa rin tayo

"Sa Kanila"

silang iniwasan ko
pinabayaan sa wala
inilayo ng kusa
iniwan ng tingin
magpalipad man sa hangin
wala
bulag akong nakatunganga
sa harap ng limos
ay mailap na pansin
mga ngiting basag
na itinabi sa sulok
nakasusulasok
kung iisipin
ay pawang bulok
banggit ng lambing
pag-iwas ang kahambing
oo mga lambing
na kung dadamhin ay
paglimot sa sarili
pagsabak sa init
mga haplos na lito
nakakagulo
ang puson ay
nagsusumamo
nagpipilit
pero iiwan
na para bang
walang nangyari

"Gigil"

nanggigigil
di mapigil
pinipilit masupil
isusugal ang lahat
galit na maniningil
dahil hilo sa mundong
sabik ikagat ang pangil
nahikayat marahil
ng mga labing matabil
siguro
mahilig lang talaga
akong manggigil

"Kaming Mga Anak Ng Bulok Na Lipunan"

mga puwang na iniwan
sa buhay pinabayaan
pikit-mata
walang laman
limot sa kabuluhan
ang kabataan
hinanakit sa buhay
kampi ay hikahos
salungat na landas
pusong pagod
nitong kabataan
bukas ang mata
umaasa
sa pangako ng umaga
nakaraan ay kipkip
sa harap ng mapaghamon
tagumpay nilalamon
nilang kabataan
ang hapdi ng latay
at kakambal na hagupit
sa diwa ay nakaguhit
ng kabataan
na bahagi ninyo
na bahagi namin
na bahagi ng susunod
na salinlahi

"Paglimot"

pag-alis sa nakaraan
pagtalikod sa kinalalagyan
patungo saan?
baka sa tagiliran
o kaya ay sa harapan
alinman
nariyan lang yan
napabayaan lang siguro
akala ay nalimutan
sa isip iniwan
sa baluktot na daan
hindi basta-basta
kayang balikan

"Hapdi"

liligayang muli
ngingiti sandali
dahil nararamdaman
pa itong hapdi
titiisin ng konti
baka sakali
ito ay madali
lilipas din siguro
bukas
pagsikat ng araw
sasabay

"Hawak Sa Puso"

kapag ang pagmamahal
ay kumupas, o
ang pag-ibig ay lumipas
paano na bukas?
Lulunurin na lang ba
ng mga halik?
Aasa na lang ba
na parang sabik?
Mananahimik?
Mangangarap kaya
na ito ay bumalik?
Ililigaw ang pusong galit?
Iiyakan sa sulok,
mawawalan ng imik?
Ano ba talaga?
Mananaliti pa ba?
Hanggang kailan?
Paano?

 
[main] [para sa...] [unang kwento] [ikalawang kwento] [ikatlong kwento] [mga tula] [mga tula uli]
Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution 3.0 License