Ang Pagbabalik

Reynaldo F. Tamayo (2001)

Pinanawan na ng lakas si Tatang. Lakas na dati-rati'y di pa n'ya malaman kung pa'no uubusin. Kayraming pangarap. Kayraming pagkakataon..

Tatlong taon na si Tatang sa institusyon ng mga matatanda. Tatlong taon na mula noong magdesisyon s'yang doon na manatili kasama ang ibang matatanda na tulad nya ay wala na ring mapaglagyan sa mundo ng mga maliliksing kabataan. Mundo na nagturing sa kanila na walang silbi. Pabigat.

Naroon sila upang maghintay. Maghintay sa pagdating ng araw na 'di na muli pang didilat sa umaga para ipagpatuloy ang walang katiyakang paghihintay. Lalong nagtatagal ang hinihintay kung ito'y hinihintay. Lalong tumatagal ang hirap. Kailangan tapusin na ang lahat. Lahat ng hirap at pagod.

Ginhawa? Nasaan na ang ginhawa? Parang buong buhay ay minsan lang nagpakita.

Kanya-kanya sila ng kwento. Merong pinabayaan ng mga anak, merong wala talagang anak. 'Yong iba inilagay doon dahil wala nang umaangking kamag-anak.

Bagito pa lang ako noong una akong makapunta sa lugar na 'yon pero hindi ko na nalimutan ang mga kwentong-buhay nila. Katiting lang ang panahon na pinagsaluhan namin pero 'yong iilang sandali ng tawanan at iyakan ay sapat na para baguhin ang mga pananaw ko sa buhay. Isang pagbabalik-tanaw sa nakaraang hindi ko naman talaga inabot pero parang kahapon lang sa pandinig.

Masasaya silang kasama. Para bang hindi nauubusan ng kwento. Pakiramdam ko nga, andami kong naintindihan. Hindi pala napag-aaralan sa eskwelahan ang karamihan ng mga aral sa buhay. Mas madaling matutunan ang mga leksyon na hinugot sa nakolektang karanasan.

Ganyan binusog ni Tatang, sampu ng kanyang mga kasamahan, ang uhaw at malikot kong isipan. Lahat sila ay masipag magkwento. Wala na siguro kasing makakwentuhan doon dahil bawat isa sa kanila'y alam na ang karanasan ng isa't-isa.

Nakatunganga sa isang tabi si Tatang, tapat ay bintana, no'ng una ko s'yang makita. Umuulan sa labas. Ewan ko kung nalulungkot s'yang kasabay ng nagdadalamhating panahon o sinasabayan lang ang pag-iyak ng langit. Nilapitan ko s'ya.

Nagpakilala ako sa kanya at sinabing naroon kami ng mga kaklase ko dahil sa field trip. Dinadalaw namin sila para pagsaluhan, kahit na sandali, ang nalalapit na araw ng Pasko. Ipinararamdam na kahit na itinuturing silang bahagi ng isang limot na panahon ay may nakakaalala pa rin. Higit ngayong malapit na ang Pasko dahil mas matindi ang lungkot. Mas madalas ngayong maalala ang mga lumipas na Paskong masasaya sa piling ng mga mahal. Mas madalas din ngayong maalala na wala na sila at kailanman ay malamang na hindi na bumalik.

Hindi ko na napigilan ang sariling magtanong kung bakit s'ya nag-iisa roon sa sulok.

"Nalulungkot ako dahil lahat na yata ng minahal ko ay iniwan na ako."

Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko para mabawasan man lang, kahit na kaunti, ang lungkot na kanyang nararamdaman. Sinubukan ko na lang s'yang alukin ng mga kending hawak ko. Napangiti s'ya sa akin sandali pero parang malayo pa rin ang iniisip. Ngumiti na rin ako. Ilang sandali pa'y nakita ko s'yang napabuntong-hininga at unti-unting nagliwanag na ang mukha. Pabiro n'yang sinabi na masisira lang ang kanyang mga ngipin, sabay ngiti at ipinakita ang gilagid na kakaunti na lang ang nakakabit na mga ngipin.

Mabait si Tatang. No'ng medyo matagal-tagal na kaming nag-uusap ay hindi n'ya pinalampas ikwento ang kasaysayan ng kanyang buhay.

Sabi n'ya, noong araw daw ay naging gerilya s'ya. Katakut-takot na hirap ang dinanas n'ya sa kamay ng mga Hapon nong s'ya ay mahuli. Bakas pa nga ang peklat sa kanyang braso na nagsilbing ala-ala ng matalim na bayoneta. Patay ang kanyang mga kuko sa kanang paa dahil nabayo ng riple. Palagay ko, mas malalalim ang sugat na iniwan ng digmaang ito sa kanyang buhay. Hindi lang nakikita pero tagos hanggang sa 'di matahimik na damdamin.

Pinatay ang kanyang asawa. Tanging ang isang anak lang n'ya ang nakaligtas. Sinunog ang kanilang kubo ng mga Hapon na napadaan sa lugar na iyon dahil may tinutugis ang mga ito. Napagkamalan sigurong pinagtataguan ng kaaway ang kubo kaya walang pag-aalinlangan itong pinaulanan ng bala bago silaban.

Ang kanyang anak ay nakaligtas dahil nakuha nitong magtago sa pilapil noong makarinig ng sunud-sunod na putok. Walang tangan kundi sarili, nilunod ang kanyang kamusmusan ng takot habang katabi ang mga makakating damo na nagsilbing kumot sa kanyang pigil na pag-iyak.

Lahat ay nangyari noong si Tatang ay nasa bayan at nakikibalita sa ipinangakong pagbabalik ng mga Amerikano. Ang tanging inabutan n'ya sa kanyang pag-uwi ay abo ng iniwang lagim at ang kanyang tulalang anak na namumugto ang mga mata. Magmula noon, hindi na muli pang nakapagsalita ang bata.

Isinama ni Tatang ang anak no'ng tuluyan na s'yang mamundok. Magulo ang kanyang isip at galit na galit ang puso. Parang sasabog ang kanyang dibdib kaya hindi na n'ya nakuhang iwanan pa ang anak. Isang pagkakamali. Halos 'di nakayanan ng bubot nitong katawan ang marahas na pamumuhay sa bundok. 'Di nagtagal ay nasawi ito sa malaria.

Matapos ang digmaan ay nagpasya si Tatang na magtungo na lang sa Maynila para iwanan ang kanyang mapait na karanasan na parang abo ng kubo nila sa ihip ng hangin. Tuluyang kalimutan ang mga masasaklap na ala-ala sa panahon ng ligalig at mangarap ng isa pang pagkakataon. Iniwan man sa kanya ng digmaan ang kanyang buhay, maraming beses naman s'ya nitong pinatay. Halos sariwa pa ang malansang amoy ng kamandag nito sa kanyang ugat. Parang kahapon lang.

Dahil wala namang kakilala't kamag-anak sa syudad, naging palaboy si Tatang sa kakaibang gubat ng simento't bakal. Mangmang man sa kaayusan ng bagong mundo ay pinilit n'yang harapin ang hamon ng kapalaran. Pangako nya ito sa kanyang sarili. Isa pang pagkakataon. Isa pa.

Nagtrabaho s'ya bilang kargador sa piyer dahil wala naman s'yang alam na ibang mapapasukan. Isa pa, tanging lakas lang ng katawan ang nakasanayan n'yang gawing puhunan.

"May kendi ka pa?" tanong sa 'kin ni Tatang habang nakangisi at tambad ang mala-gomang gilagid na nagkikiskisan. Malabnaw ang ngiti n'yang yon dahil marahil sa damdaming ibinabalik ng nakaraan. Mapakla. Parang makapit na lasang nanikit sa dila.

Medyo tulala pa ako dahil sa kwento kaya isa pang tapik ang kinailangan para ako ay matauhan.

"Kako, itutuloy ko ang kwento kung bibigyan mo pa ako ng kendi."

"A.. e.. eto po," sabay abot sa kanya ng mga kending natira sa aking bulsa.

Sa piyer ni Tatang nakilala ang babaeng tumulong sa kanya. Tumulong na gamutin ang mga sugat sa kanyang puso na likha ng nagdaang digmaan. Halos limang taon muna ang dumaan bago n'ya naturuang muli ang puso na makaramdam ng pag-ibig. Nakita n'ya ang bagong pag-asa sa isang tindera ng mga kakanin na madalas n'yang makasama tuwing hapon kapag nagmimiryenda. Sa kanya bumibili si Tatang. Madalas n'yang yayain ang babae na panoorin ang ginintuang araw sa paglubog. Naaalala raw kasi n'ya ang mga masasayang dapithapon ng kanyang pinanggalingang bayan.

Hindi naman halos nagkakalayo ang edad ng dalawa kaya hindi sila gaanong nahirapan na magkaintindihan sa maraming bagay. Laking Maynila man ang babae, maraming katangian naman nito ang hinangaan ni Tatang sa hindi maipaliwanag na paraan.

Ikinasal si Tatang sa ikalawang pagkakataon. Sa ikalawang katok ng pag-ibig. Sa babaeng nagbigay ng bagong kahulugan sa kanyang bagong buhay. Parang ipinanganak muli.

"Halika na! Aalis na tayo!" sigaw ng kaklase ko sa 'di kalayuan.

"Ha? Teka lang. Maya-maya na," protesta ko.

"Bahala kang maiwanan," sagot n'ya.

Wala akong nagawa kundi magpaalam kay Tatang. Hindi ko man lang natapos ang kwento. Hindi ko man lang naitanong kung bakit s'ya nandoon sa institusyong 'yon. Wala ba s'yang anak? Ano'ng nangyari sa asawa n'ya?

Maraming tanong na nanganak ng mas marami pang tanong.

Ilang beses ko ring binalak bumalik sa institusyong 'yon para muling makadaupang-palad si Tatang. Muli s'yang yayain na magkwento. At syempre, tanungin s'ya at matuto. Ewan ko ba pero ilang beses din akong hindi nagkaroon ng pagkakataon. Hindi ko na maalala kung bakit. Matagal na kasi. Matagal na.

Nakabalik lang ako sa lugar na iyon halos isang dekada na ang lumipas. Katatapos ko lang sa kolehiyo. Malungkot ang pagtatagpo na iyon dahil hindi na namin nakuhang makapag-usap pa. Paralisado na si Tatang dahil sa stroke kaya halos hindi na makapagsalita ang matanda. Palagi na lang s'yang nakahiga dahil hindi na gaanong makakilos ng walang alalay. Palagay ko'y nakilala n'ya ako dahil may naaninag akong ngiti. Kahit na medyo malabo na ang kanyang mga mata ay natanaw ko roon ang kislap ng ligaya. Parang ngayon lang uli s'ya nagkaroon ng bisita. Parang ako lang ang nakaalala sa kanya nitong mga lumipas na panahon. Mga panahon na pinalampas n'yang nag-iisa.

Halos buong araw akong nanatili roon sa tabi n'ya. Sa pagkakataong ito, ako naman ang nagkwento. Nagkwento ng nagkwento kahit na hindi ko malaman kung naiintindihan n'ya ako o naririnig man lang. Basta gusto ko lang s'yang makasama dahil pakiramdam ko'y napaliligaya ko s'ya.

Pagbalik ko kinabukasan ay hindi ko na dinatnan si Tatang sa kanyang kama. Ayon sa napagtanungan ko, kagabi raw ay inatake na naman ng stroke ang matanda. Sa pagkakataong ito, s'ya ay natuluyan na. Sa chapel daw binurol ang kanyang labi. Parang hindi ako makapaniwala sa narinig. Kahapon lang ay kasama ko s'ya. Kahapon lang ay inaaliw ko s'ya sa mga 'di matapus-tapos kong kwento. Kahapon lang ay nakita ko pa s'yang masaya. Parang hinintay lang n'ya ako.

Hindi ko na nakuhang pumunta sa chapel para tingnan, sa huling pagkakataon, ang labi ni Tatang; para magpaalam man lang; para magdasal. Ayaw kong makita s'ya sa ganoong kalagayan. Gusto kong maalala s'ya na parang noong nabubuhay pa. Gusto kong isipin na nagbakasyon lang s'ya probinsya o sa malayong lugar. O kaya'y kinuha na ng pamilya n'ya kahit hindi ko matiyak kung meron pa s'yang natitirang kamag-anak. Basta gusto kong isipin na nariyan lang s'ya sa tabi-tabi para hindi ako gaanong masaktan. Pero anuman ang gawin ko, pilit ko pa ring naalala ang katotohanan: wala na si Tatang.

Marami pang panahon ang lumipas bago kami muling nagkita ni Tatang. Pagkikita na hindi ko na talaga inasahan. Isang dapithapon iyon. Malakas ang ulan. Sa ilalim ng punong mangga na madalas kong puntahan noong bata pa ako.

Mabilis ang pangyayari. Nakita kong bigla ang buhay ko sa isang kislap. Isang kislap pero detalyado at parang pelikula na dumaan sa aking harapan. Isang kislap. Lahat ay naganap sa isang buntong-hininga. Mula noong magkaroon ako ng isip hanggang sa kasalukuyan. Nakita ko ang mga ngiti ko noong masilayan ko, sa unang pagkakataon, ang aking anak. Nakita ko rin ang mga bakas ng luha ko noong pumanaw ang aking asawa. Ilang saglit pa'y nakita ko ang sarili ko sa gitna ng ulan. Parang mga patak ng ulan na nagsunud-sunod ang kasaysayan ko. Parang patak ng ulan na halos sabay-sabay pero ang bawat patak ay may sariling kwento. Ang bawat patak ay may halaga dahil bahagi ng kabuuan. Isang kislap.

Naroon si Tatang. Mas masaya na ang kanyang ngiti ngayon keysa noong huli kaming magkita. Hindi ko na s'ya nakuhang tanungin ng mga tanong na inipon ko sa aking isipan nitong mga lumipas na panahon. Dapithapon na rin ng aking buhay kaya siguro sinusundo na n'ya ako. Wala na akong hahanapin pa. Lahat halos ay napagdaanan ko na. 'Buti kamo ay nakilala pa n'ya ako kahit pareho ng lukot ang aming balat. Hindi n'ya ako nakalimutan. Ang aking kaibigan. Hindi na n'ya kailangan pang magsalita dahil damang-dama ko ang kaligayahan sa kanyang puso.

Nag-isip ako sandali, lumingon, tapos sumama na ako.

---WAKAS---

balik sa main page

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1