ayoko pala rito. babalik na lang ako sa main page

Maikling Hirit Mula Po Sa Inyong Lingkod

Hindi ko talaga inakalang aabot ako sa ganito. Ang akala ko noon ay hanggang sa isang website lang ako. Tapos, ititigil ko na itong kahibangan ko't tatahimik. Wala naman kasi 'kong pormal na pag-aaral sa pagsusulat. Ang totoo'y halos bumagsak pa nga ako sa mga subjects ko (noong kolehiyo) na may kinalaman sa pagsusulat. Dala lang siguro ng likas na kayabangan, nabuyo ako ng mga udyok. Napilit ko ang sarili na gumawa ng isa pa. At eto na nga 'yon.

Nakasanayan kong isulat ang mga latak ng isipan tuwing ito'y tutulo. Madalas 'yon kung lango ako sa espiritu ng alak, hibang sa kaligayahan, o inaalipin ng lungkot sa bawat araw. Baon ko lagi, sa mga pagkakataong ganito, ang isang tickler -- at anumang panulat na masumpungan -- para itala ang nasa isip kahit pa minsan ay halos magkandaduling na ang mata dahil sa dilim, antok, o kalasingan.

Ako ang sumulat, ang pumuna, ang nag-edit, ang nag-isip ng konsepto, ang nag-type, ang nagpuyat, ang unang pumalakpak, ang unang naasar at ngumiti. Sinangkapan ko na rin ng kaunting design sa mga imahe para hindi naman magmukhang kawawa ang website. At, syempre, ako na ang nagkusang gumawa ng maikling intro dahil wala akong nautong writer na gumawa nito para sa kin.

Ang kwento ng "Ang Pagbabalik" ay una kong sinulat noong nasa kolehiyo pa ako. Hindi pa ganyan ng pamagat n'yan. Naisipan kong dugtungan at baguhin ng kaunti ang kwento noong masira ang TV ko dahil wala akong maisip na gawin. Tapos, nakatamaran na. Naalala ko lang uli makalipas ang ilang buwan dahil sumagi sa isip ko ang paggawa ng isa pang website. Hindi pa ako gaanong kuntento sa ending pero pinabayaan ko na. Baka hindi ko pa ito matapos kung patuloy kong babaguhin.

Parang karugtong lang ng maikling kwentong "Bungang-Tulog" (na lumabas sa unang episode ng kanin-baboy) ang "Bungang-Tulog II" na medyo pinasimple. Ang porma o estilo ng pagsulat ko sa mga kwentong ito ay parang tuluyang tula. Maraming abstraction at symbols kaya parang umiikot ang lahat sa mundo ng panaginip. Nagi-eksperimento lang ako kung paano paglaruan ang ideya ng tula, gawin itong parang prosa, hindi lang sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsusulat kundi sa pamamaraan na rin ng kung paano ito isinusulat. Medyo magulo pero malamang ay hindi ako ang naunang nakaisip nito.

Ang karamihan naman sa mga tulang naisulat ko ay naitala muna sa iba't-ibang tickler. 'Yon ang all-around scratch pad ko. Nasanay kasi akong magdala lagi ng maliit na talaan para paglagyan ng kahit na ano na, sa aking palagay, ay dapat tandaan o 'di kaya'y maalala. Sa mga tickler na ito nailagay ang samu't-saring impormasyon na minsan ay halu-halo kaya mahirap intindihin: numero ng telepono, pangalan ng tao, pangalan ng libro, manunulat, mga petsa, card catalog number, atbp. Kasama na rin ang mga tula at ilang bahagi ng mga putol na kwentong hindi kailan man mabuo-buo. Ini-edit ko lang kasi ang mga tula at kwento kapag ito'y tina-type ko na sa mabagal kong computer (o 'di kaya naman, noong ginagamit ko pa 'yong lumang typewriter, kapag tina-type na sa mga tira-tirang bond paper).

Sa lumang tickler naisulat ang karamihan sa mga tula noong kolehiyo pa ako. 'Yon ang inilagay ko sa "Amag." Ang ilan namang laman nito ay medyo bago na dahil 'pag wala akong mahagilap na masusulatang papel, d'yan ko pa rin isinisiksik. Halos mapigtas na ang mga pahina ng tickler na ito pero kailan man ay hindi yata pwedeng itapon. Kahit retirado na ay hindi maiwasang gamitin paminsan-minsan.

Galing sa tickler na ginagamit ko ngayon (bagong tickler) ang mga tula sa "Ngitngit: Pagsabog ng Dibdib, Kalayaan ng Isipan." Parang gusto ko kasing ibalik ang alab ng hilig ko sa pagsusulat ngayong mga panahon na pakiramdam ko ay nananamlay ako. Kailangan ko ng mga inspirasyon kaya ginamit kong sandigan ang mga nakakubling ngitngit o galit sa aking isipan. Para bang 'yong tinatawag nila sa Ingles na angst. Pinagsama-sama para makaipon ng sapat na lakas na kayang magpasabog ng dibdib. Kasunod ay kalayaan ng isipang makapagsulat muli.

Ang mga nailagay naman sa "Kolorum" ay mga tulang naisulat ko sa mga ligaw na piraso ng papel o 'di kaya'y direktang tinayp sa mabagal kong computer. Ang iba naman ay naka-type sa bond paper gamit ang luma naming typewriter.

Dahil siguro kulang talaga ako sa pansin, medyo umiksena naman ako sa pagpipilit sumulat ng mga tulang Ingles. Paminsan-minsan ay ginagawa ko 'yan para harapin ang takot kong mapintasan sa pagi-Ingles. Kahit pilit. Kahit Ingles kalabaw. Kahit baluktot. Pikit ang mata pero bukas naman ang diwa.

At si Kai. Si Kai nga pala. Meron din kayang napapa-isip kung sino s'ya?

'Gaya ng mga tula at kwentong makikita sa mga pahina ng website na ito, si Kai ay produkto ng pinagsama-samang personalidad at kwento. Pinatamis ng mga kabiguan at tagumpay ko sa buhay. Pinasarap ng panahon na parang adobo at paksiw. Pinatingkad ng pawis kong tumulo noong maramdaman ko ang init ng mga lumipas na tag-araw. Hinaluan ng misteryo na parang makulimlim na daigdig tuwing umuulan. 'Yan si Kai. Kung tutuusin ay parang hindi s'ya naiiba sa mga ibang tula na narito.

Naiiba si Kai dahil malapit s'ya sa puso ko. Naisulat ko kasi ang mga tula n'ya noong mga panahon na litung-lito ako sa aking nararamdaman. Naiiba s'ya dahil ganyan ko s'ya gustong ituring.

---
reynaldo f. tamayo
2001
sta. mesa heights
quezon city
contact me

balik sa main page

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1