Mga Tula Namin ni Kai

Reynaldo F. Tamayo (2001)

"kai"

kai nariyan ka pa ba
nakakabingi ang katahimikan
kawalan kasalanan
tapos pipilitin mong mag-isip
mag-isip ng mag-isip
para wala kang madamang
antok para tumigil ang sakit
para maging manhid
kahit na pansamanta
walang hinto ang isip
maingay sa loob pero
walang marinig sa labas
kalabog lang siguro ng
puso at pagaspas ng hininga
alulong ng sikmura
at tilamsik ng pawis
sa puntong ito hindi
pa rin tayo nagkikibuan
o nagtitinginan na parang
wala ang isa't-isa
itatanong ko sa isip
bakit kai
wala akong maririnig na
sagot dahil hindi
naman tayo magkatagpo
ng diwa hiwalay kung baga
salisi lihis
patuloy itong mananatili
sa ganyang kalagayan hanggang
sa palayain tayong dalawa
ng ating mga multo
kung sa bagay matagal-tagal
na rin tayong nakatira
rito sa magkahiwalay na
hawla kaya malamang ay
sanay na tayo


"mata sa mata"

pinilit kong basahin si kai
habang nakatingin s'ya sa akin
hindi kumukurap
mapungay
wala akong maintindihan
hindi ko mabasa
sinusubukan n'ya rin
akong kilalanin tantya ko
ewan lang kung napapansin n'ya
ang mga tuldok ng kislap
sa mga mata ko
palagay ko'y wala rin s'yang
malinaw na makita
walang kislap
blangko't madilim


"may ngiti"

isang umaga
gaya ng mga ordinaryong umaga
na nakakasama ko si kai
napangiti sya sa kin
ngiting tipid pero ngiti pa rin
ngiti na parang buong araw ko
nang pwedeng ulit-ulitin
para aliwin ang sarili kapag
nilalapastangan ako ng lungkot
titingnan ko sya at hahanapin
ang ngiti dahil siguro nasanay
akong matagpuan yon kaya
ganon na lamang ang sama ng
loob ko kung minsang hindi
nya ako malimusan ng matipid
nyang ngiti kahit tinipid
masama siguro ang pakiramdam
bakit kai
gaya ng lagi kong tinatanong
hindi s'ya sasagot dahil
kailanman ay hindi pa
kami nagtatagpo ng diwa
ang gagawin ko'y tatalikod
at iisipin na lang uli
ang mga tipid na ngiti.


"damdamin"

hindi naman laging malungkot
ang kasaysayan namin
hoy kai
ikwento mo nga sa kanila
kung paano tayo nagsama
ng maraming panahon
kahit na tahimik ang ating
mga mundong pabagu-bago ay
nakakakita tayo ng kapayapaan
kahit na sa mga lugar na hindi
natin inaasahang sumibol
ang lintek na kapayapaang yan
kahit na hindi natin sabihin
sa isa't-isa ang ligaya na
nararamdaman dahil hindi
nga tayo magkatagpo ng maayos
pinapasyalan kita ryan sa hawla
mo kung nakakalabas ako at
tingin ko'y pinipilit mo ring
ibalik ang ganyan sa akin
eh ano pa nga ba'ng magagawa
lahat na halos ng paraan ay
sinubukan ko pero walang
umubra at nakikita ko rin
ang pagsisikap mo
sana dumating ang panahon na
maintindihan natin na ganito
lang pala talaga kasaya ang buhay
wala nang sasaya pa rito
pag dumating ang panahong iyon
makukuntento na tayo
ngingiti na tayo ng totoong ngiti
at malamang ay magtagpo
na rin sa wakas ang lihis
nating landas


"paglisan"

ginawa na nya
hindi ko na
nagisnan si kai
iniwan na nya ako
walang paliwanag
parang isang masamang panaginip
nagsawa na rin siguro sa
aming katahimikan
nagsawa na rin siguro sa
aming hindi magkatagpong mundo
ano pa man ang dahilan ay
tiyak kong sya lang ang
tanging makakapagpaliwanag
ang pinagsisisihan ko lang ay
hindi ko man lang nasabi sa kanya
kung gaano sya kahalaga sa akin
saan na kaya sya dinala ng kapalaran
kung saan man iyon sana ay maligaya
na sya at kuntento
matagal ko na kasing nararamdaman
na parang hindi na sya masaya
kai
kasama mo ako lagi
sa iyong puso
kung maisipan mong bumalik
tatanggapin pa rin kita na
parang walang nangyari
magsisimula tayo


"ang pagtatagpo namin habang tumutugtog ang kantang 'walang hanggang paalam'"

nagkita uli kami ni kai
dala pa rin nya ang kanyang
misteryosong ngiti kahit
na nasa mata nya ang
nakatagong lungkot
walang imik
tahimik na tulad nitong mundo ko
mula noong magkahiwalay kami
hindi ko na sya tinanong kung
bakit sya umalis
dahil alam kong wala akong
maririnig na sagot
walang matinong paliwanag
kai
kamusta ka na
hindi pa rin kami magkatagpo
malayo sya sa akin kaya
pinilit kong lumapit
habang lumalapit ako
ay parang hindi ko sya
lalo marating dahil
pakiramdam ko'y lalo
lang syang lumalayo
palayo ng palayo
hindi na siguro si kai ito
hindi nya ako iiwasan
gusto ko lang talaga syang
makita muli kahit sandali
hanggang sa tuluyan na syang
maglaho na parang tuldok
lang ng liwanag sa aking
mga pagod na mata


"Hanggang Sa Muli"

ang paglubog ng araw
sa baybayin ng kanluran
ay kasabay ng mga masasayang
ala-ala naming magkasama
mamahinga ito sandali
ngunit hindi tuluyang maglalaho
magpapakita ng lumbay
ngunit hindi magpapadaig sa
anino ng nakaambang lungkot
ang lahat siguro ay bahagi lang
ng mas malaking mapa ng kapalaran
sa muling pagtatagpo ng
inaasahang pagsikat ay
naroon pa rin ang apoy
na mainit at nagliliyab
kakambal ng walang katapusan
nitong buhay

balik sa main page

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1