Kolorum: Mga Pamunas ng Pwet at Pambalot ng Tinapa

Reynaldo F. Tamayo (2001)

"Pangungulit na Usisa ng Kaibigan"

herkules pasimano saan ka na
saan na nagpunta ang matakaw mong
lalamunan ngayong nag-uumapaw
na ang mga tirang grasya sa sahig
saan ka ba nagsuot no'ng sadyaing
itapon ng ating amo ang mga ayaw
n'yang pagkain mga kinaiinisan n'ya
kaya ikaw itong hinihintay ng gagong
magbigay-sintensya sa kinabukasan
ng mga maruruming piraso
herkules pasimano hindi ka tatablan
ng mga sakit na nakakapit dahil
sakit ka ring matatawag sa ginagawa
mong iyan sakit na nakakapit sa
laylayan at sa laylayan mananati
habang panahon hindi man naisin

herkules pasimano saan ka na
saan ba pupunta kundi paikot-ikot
lang sa ilalim nitong hapag-kainan
katabi ng matatabang alaga ng amo
nating kung ikukumpara sa iyong
katawan ay mahigit doble pa
ang tinatayang katumbas
gagapang at gagapang ka riyan
na parang uod sa mga nabubulok
na basura ng kastilyo
hindi ka makalilipad kaya mas
kaiinggitan mo ang mga langaw
na masayang dumadapo sa kung
saan man nito masumpungang humimpil
hindi tulad mo

herkules pasimano saan ka na
saan na ba napadpad ang lakas
ng loob mong lumaban para itindig
ang katawan na pinabayaan mong
alipinin ng ating mahal na amo
dahil wala ka nang iba pang
maipapalit dito kundi kaluluwang
pagod at hindi mabayad-bayarang
utang na loob na s'yang pasan-pasan
mo d'yan sa likod
saan na
saan ka na ba herkules pasimano
at ang dating kislap ng pag-asa
sa iyong mga mata ay hindi ko
na nakikitang kumurap
wala na'ng pangako
wala na'ng buhay


"Gamunggong Sikap"

itulog ko na lang kaya ang
gutom at sama ng loob ko
isabay sa antok at paglaruan
sa mundo ng panaginip
mahihirapang habulin
ng gutom at sama ng loob
ang gutay-gutay kong kaluluwa
sa malawak na daigdig na
kathang-isip kahit na saan
at pikit ang mata'y
pipilitin kong tumakas
eh paano pag nagising ko
haharapin ko silang muli
mata sa mata walang kurap
walang pungay walang antok
at parang walang anumang
nilalang na nakikita
lalamunin ko ang natitira pang
lakas ng loob para medyo
mapawi ang gutom habang
tumatawa para lunurin naman
ang liktek na sama ng loob
pagkatapos noon
pwede ko nang linlangin
ang bobong isipan ko
ipipilit ko magaling na ako


"Huni"

awit garalgal ang
boses kiki o boses butiki
nakakapanindig ng balahibo
minsan naman talagang
pampagising kaya kailangang
manalangin na dalawin naman
ng antok para makapagpahinga
ipikit sandali ang mga mata
at matulog na parang walang
panaginip dire-diretso hanggang
sa katanghalian hanggang
magsawa at isiping tama na
wala nang magagawa
paos na at hinihika
laos na ang estilo
bulok na ang diskarte
bukas makalawa ay hindi
na sisiputin ng pansin
lalayuan at baka nga itaboy pa


"Ang Paborito Kong Damit"

masarap isuot malambot
malamig eksakto ang hapit
sa kalamnan parang kakambal
nitong balat na hindi iba
paboritong isama sa lahat
ng maisipang lakaran
maingat kung ito'y labhan
dahan-dahan hanggang luminis
halos hindi nga mahintay
na patuyuin at plantsahin
pero paglipas ng panahon
hindi gaanong magtatagal
ito'y mapupunit papangit
magiging basahan


"Martsa"

halika na
pumunta ka rito
hindi ka masasaktan
hindi pababayaan
hindi iiwanan
kahit na ano pa
ang mangyari tiyak na
laging dadamayan
sino pa ba'ng magtutulungan
kundi tayo-tayo rin naman
huwag mangamba kung medyo
nahuhuli sa paghakbang
lahat naman siguro ay
dumaan sa ganyan
basta sama-sama tayo
kapit-bisig ang sandigan


"Lakad Pasulong Patungo Doon sa Wala"

kinalimutan ko noon ang
hilig na maglagalag pero sandali
lang dahil hindi ko rin natiis
ang manatili sa isang sulok
at mag-isip na ako'y estatwa
mabobobo akong lalo at mamumuti
ang mga mata hihinto ang hininga
masasawi ilang sandali pa
tanga talaga dahil kaya ko naman
sigurong gawin pero pinababayaan
ko ang sarili na alipinin ng
kilos at ritmo ng paggalaw
hindi alintana ang pagod
lakas na tumatagal
tagal tagal tagal
pero hanggang kailan
hanggang may lakas o hanggang
may katas pa ang isipan
kahit wala ng lakas
galaw lang ng galaw
diretso pasulong sa direksyong
sinisikatan ng araw kahit na
madalas ay nilulubugan na akong hindi
pa nakakarating man lang
sa dulo ng bahaghari
mahihimlay na ako sa daan
habang naglalakbay


"Palasingan"

hanggang lumipas ang mga oras
at sumilip na ang araw
nakaupo pa rin kami roon
nag-uusap humahalakhak
ang mundo sa aming paningin ay
nakakahilo na dahil umiikot
bumabagal minsan pa ay dumidilim
para pansinin ang antok na
nangungulit pero hindi pagbibigyan
maghihilamos siguro ng kaunti
iihi magyoyosi at iinom uli
magku-kwento na naman ng mga
kasaysayan na ilang beses ng
inulit-ulit pero hindi pinagsasawaan
parang bagong hain lang
pag-aawayan ang mga argumentong
dati pa ay napagtalunan
aaliwin ang mga mapanglaw
na sandali sa mga kantang
walang kupas kahit wala sa tono
hindi bale na basta
ba masaya ang lahat
sa mga sandaling ito
ay malamang na limot
na ang problema o di naman
kaya ay lalo itong naaalala
ilang saglit pa
ay pagbibigyan na ang
pang-aakit nitong antok
mapipilitan ng ipikit
dahan-dahan ang talukap ng
mga matang pagod
maya-maya pa'y yuyuko na at
walang pakikinggang kwento


"Si Lampayatot"

pumapayat na
numinipis pamaparis sa
hugis ng mismong kalansay
umiiwas sa pagkain
puro tubig at hangin
usok alikabok at diet pills
hindi basta-basta tumitigil
hangga't walang nanggigigil
sakay sa uso
katawang tingting na
halos ilipad ng malakas
na hangin lalo na kung bagyo
pero hindi papansinin
dahil walang gana
nanghihina


"Basted"

saan ba ang puwang
ng pag-ibig kong limot
mga damdamin na
pinalipad sa kawalan
mga yapos na kapos
kaharap ng bukas
sa madilim na
bahagi ng umaga
nakatanaw pa rin
sa liblib na sulok
ng mailap na pagmamahal
wari ba'y humihingi
ng kakarampot na limos
pantay at walang
kaibahan ang lahat
sa talukap ng mga
matang bulag
bingi sa mga huni
ng malungkot na harana
sarado ang pinto
sa mga katok
ng pagsusumamo
nakaluhod na humihingi
ng kaunting pag-asa
taas noo na
naghihintay sa wala
lito ang isip
habang mga luha
ang kapiling sa bawat
tahimik na tabi
na aking masumpungan
mahirap man tanggapin
lilipas din iyan


"Pansin Ko Nga"

kanina lang ay
kapiling ko pa
nasaan na kaya sya
tinangay na kaya noong
mga halik na hindi kilala
niyaya nilang mga
haplos na tulala
niyapos ng mga bisig
na malakas at masigla
tinukso ng lambing
kaya nawala
ang sarili'y nilimot
sumabay ng kusa
sayang
kung alam ko lang
na magkakaganyan
malamang ako ay
nakipag-unahan


"Doon sa Dilim"

maglalakbay tayo
sa lilim ng dapithapon
sa sinag ng buwan
ay hihimlay sandali
para damhin ang lambing
ng lamig nitong gabi
sa maligalig kong isipan
walang habas kung manukso
ang kindat ng mga bituin
abot-kamay lalo na
kung nakapikit
halos buntong-hininga lang
at kalabog ng dibdib
ang syang maririnig
hamog na bumabalot
sa magdamag ay
mahinhing lumulutang
na kasama ng mga
ligaw na sumpaan
kasinungalingan
at pagsasamantala
sa iyong kahinaan


"Minahal Ko Si Milagros"

kipkip ko palagi
ang mga ala-ala
ng ngiti nya
halik na matamis
lambing na walang kaparis
ganyan si Milagros
sa bawat patak ng
luha ng kalungkutan
kayakap ko sya
walang imik man ay
pinakinggan namin
ang isa't-isa
ng aking si Milagros
magkasama naming
pinagsaluhan ang mga gabi
ng aming kabataan
hawak-kamay na tiniyak
ang mga hakbang sa
pagsalubong sa bawat
maligayang umaga
hanggang sa huling
sandali ng pamamaalam


"Sa Loob ng Bakal na Hawla"

himas ay kalungkutan
malamig na katahimikan
mga luhang mapait
agos ay abot langit
tangan ay ala-ala
na nakapagpapaligaya
pinagmumulan ng lakas
kapayapaan na
walang katumbas
mga tanging kaakbay
ay ngiting malumbay
hiwalay sa ayos
ng nakasanayang buhay
hanggang sa magdusa
ang napagbintangan
hanggang mahugasan
ang dumi ng kasalanan


"Sa Totoo Lang"

masakit ang katotohanan
kaya iniiwasan
laging pinagmamasdan
pero pilit tinatakbuhan
kapag hindi nakayanan
sinusubukang iwan
tinatanggap din minsan
na parang walang nalalaman
sinasara ang isipan
kunwari'y walang laman


"Dingas ng Apoy"

paano ko susunugin
ang damdamin na
kasing init din ng apoy
naglalagablab sa pagitan
ng singit ko
nagpupumiglas
hindi alintana ang sinoman
nakalarawan na sa isipan
nanunukso kahit bawal
nag-aalok ng sarap
dahil sarap ang gusto
sarap na pumapatay


"Sabay sa Himig"

kahambing ng mga teklado
ang buhay ko
kakambal ng pindot
sa piyano
katabi ng mga kalabit
sa gitara
ang puso ko ay dikit sa kanila
ang mga himig ay pagitan
sa hininga ng aking laman
na nakahimpil sa daigdig ng
walang katapusang tugtugan
pero lumilipas din ang lahat
may hangganan din ang mga
mortal na katawan na lumilikha
ng magagandang musika
gaya ng pabagu-bagong mukha
ng titig nitong buwan
o kaya ay ang maitim na anino
ng nakasisilaw na gintong araw
ang tanging matitira ay
ang tunog ng alingawngaw
kasunod ang binging katahimikan


"Polyanna"

tuwing hapon pinagmamasdan
ko lagi ang kagandahan mo
pinagmamasdan lang
pinababayaan kong akitin
ako ng maaliwalas mong ngiti
hindi man para sa akin
ay masaya na akong yakapin
ito na parang tunay na kaibigan
hindi ko rin naiwasang
mangarap na angkinin
ang iyong pagmamahal
kahit na sa kalayuan lang
oo sa kalayuan lang
dahil bituin ka
ng aking kamusmusan
at gaya ng mga bituin
ay abot-kamay lang
sa mundo ng isipan
hindi kailanman
mahihipo sa harapan
mananatiling larawan lang
ng mga masasayang panahon
na iiwan sa lumang baul
ng itinagong ala-ala


"Videoke"

hangad ay kapal
nitong mukhang nangangatal
gamit ay sarili
sa harap ng hamon
katabi man ang takot
tinig ay pakakawalan
iparirinig sa lahat
sisigaw at bubulong
sa tono ay sasalubong
patutunayan ang silbi
ikakalat ang ngiti
tatapusin ang awit
na karugtong ay
matunog na palakpak


"Ligaya Sandali"

aliwan ko sila
aliwan nila ako
trabaho lang naman
pera ang katapat
akit sa dilim
pilit nililihim
kaunting tingin
sa hubog nitong hubo
tukso sa diwa
apoy ang kalaro
nag-iinit ang gulugod
ibig sumugod
mga kamay na malikot
pigil na kinakamot
humahalik sa hangin
kahit ang hininga
ay umaalingasaw
sumisingaw
sikmura man ay umaayaw
pikit-matang tatanggapin
lalandiin
para lang
may ipangkain


"Rurok"

tuktok ng sarap
limot ang hirap
ligaya ay hagilap
masarap na dampi
sinasalat hanggang huli
nakakabaliw
lampas pa sa paraiso
ang lakbay
pati mga mata
ay halos mawala
habol ang hininga
itong paa'y sumisipa
nanginginig na
para bang nilalamig
mamamatay
kapag hindi nakayanan


"Lagablab ng Henerasyon"

taas ang tikom na kamao
kipkip ang inipong galit
sinuong ang nakaambang banta
sa gitna ng pagsubok ay
pinapanday ang panaginip
na kinabukasan ng lipunan
lipunang ikinulong sa hawla
ng takot at kamangmangan
kung walang kikilos
paano na
kung walang susulong ay
paatras nating sasalubungin
ang bulag na kinabukasan
piring ang mga matang
susunod na parang laruan
ng masaklap na pagkakataon
mananatiling ligaw
ngunit walang sino man
ang makapipigil sa
lagablab ng puso nitong
mga mapagpalayang sugo
sa himaymay ng buhay nila
manggagaling ang katas
ng karanasan na didilig
sa naghihingalong pag-asa
nating manhid na sa kahirapan
kasabay ng bukangliwayway
ay ang pagpula ng silangan
sa bahid ng gising na dugo
kung hanggang kailan
walang nakakaalam

balik sa main page

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1