Amag: Mga Tulang Nanggaling Sa Binubukbok Na Pahina ng Luma Kong Tickler

Reynaldo F. Tamayo (2001)

"Limbag"

sulat-manok
dala ng isipang kinalaykay
ng antok at pagmamadali
karaniwan nang nauubusan ng
tinta ang isip bago pa man
sumuko ang lapis na upod
makahabol lang sa pangakong
kwento na todo-bigay sa detalye
dala na lang ang pabuya ng
hindi mapantayang ligaya
tuwing mapapansing nakaraos
pambayad-puri ika nga sa
sariling nilamon ng
mga lumipas na gabing
halos ay walang tulog at
mga umagang tulala
sa paghihintay sa
katas ng kwentong naisulat


"Namatay Si Ed Sa Kanser"

malakas pa si Ed
noong makilala ko sya
sa mga pahina ng aklat
na aking nabasa
isa lang ako
sa mga humanga sa kanya
dahil pinilit nyang
patunayan na wala
sa taglay na marangyang kabuhayan
ang kaligayahan
pinatay si Ed ng
malalang kanser ng lipunan

malakas pa si Ed
noong buong tapang
nyang salubungin ang
mapanupil na kanser
hindi man sya nagtagumpay
ay pinilit naman nyang
ikalat ang punla ng lunas
laban sa malalang karamdaman


"Kurbada at Kulay"

sumisibasib sa harapan
ang kulay ng kurbada
parang bulbol kong kumilos
kasabay ang ingay sa paligid
at ang agos nitong buhay na dugo
naglalaro na parang bata
walang pagod
walang pahinga
kung pababayaan lang
malamang ay hindi na ito
tumigil sa pag-indak
sumasabay sa ritmo ng
malamig na boses
ng baho de arko
habang ako ay nahihilo
at ibig ng matulog


"Pagtutuos"

matagal kong hinintay
ang magnanakaw ng aking kabataan
ang ganid na manlilinlang
ng aking kamusmusan
aangkinin kita't papaslangin
kahit na kakambal mo pa
ang aking nag-iisang buhay
kinupkop kitang parang matalik
na kakampi pero
nilinlang mo akong higit pa
sa isang malupit na kaaway
patak ng inipong galit
ang naiwan sa aking
bukas na kamangmangan
mga nagpupuyos na damdamin
ito ang pagmumulan ng hangad
kong pag-usig sa iyo
darating ang araw
madadaig kita


"Impromptu"

sa kaunting akit-tingin
at ngiting pakipot
ay nakuha ko na
ang mababaw mong paniniwala
ilang sandali pa ay kasa-kasama
na kitang palayo doon sa sulok
kaunting haplos pa ay dama
ko na ang dila mong sumisibasib
sa lalamunan ko
maya-maya ay hawak ko na
ang iyong dibdib
kumakapit nanunubok
humihipo sa itinatagong
bahagi ng iyong kagandahan
ilang sandali pa ay
hubad na tayo sa kabaliwan
sa sulok walang pakialam


"Hilod"

kiskis sa balat
dahan-dahan habang madulas
alis-libag na pakiramdam
kapag nakaraos
alalahanin lang na
manipis iyang kinukuskos
malalapnos pag di nag-ingat
kutis ay magkakapeklat
kapag nalingat


"Chicks"

ang paboritong putahe
naming gutom sa laman
ang madalas hanapin
kung nangangati ang kalamnan
ang laman-tiyan
walang natatanging mukha
kundi hubog ng katawan
naglalaro lang sa kama ng isipan
ni wala man lang yatang
matandaan sa pangalan
ang tangi lang gusto ay
sarap na nararamdaman


"Guhit sa Alabok"

akala ko nawala na at
hindi na makikita
dahil hindi na mauulit pang muli
ang paraan kung paano ko
ginawa ang iginuhit
bulok man ito kung ituring
walang kupas ang
kagandahan nito sa akin
hiningi man ng mga kaibigan
ay hindi ko ito ipinamigay
hindi man lang nagdalawang-isip
dahil bakas ito ng aking kasaysayan
ng aking buhay
parang lumang larawan


"Kadyot sa Buwan"

si Maegan
ang babaeng maharot
ang babaeng kinamuhian ko
dahil buong araw nyang
ninanakaw ang aking kamalayan
tinutukso ako na gumawa ng
mga bagay na baka pagsisihan
pinasasabik ang pagnanasang
matagal ko ng kinikimkim
inaagaw ang natitira
kong kakarampot na lakas
nilulunod ang hininga ko
sa bango ng kanyang katawan
tuwing sya ay mapaparaan
sa aking harapan
hindi ako makaiwas
aangkinin ko sya mamamaya
sa aking isipan


"Dedma"

walang pakialam sa kilos nila
walang nakikita
bulag ang mga mata
walang naririnig
bingi ang mga tenga
sarado
manhid
tumatakas ng pilit
sa mundong kinalalagyan
umaayaw
umiiwas
umaalis
lumalabas


"Ugong"

himno ng hangin
ihip na malambing
bumubulong ng mahinhin na
tinig sa ating pandinig
dinadalang palayo
ang mga tagong suliranin
palayo doon sa kawalan
na parang nagdahilan lang
minsan pa nga'y iiwan
na pikit ang mga mata
sa pagliliwaliw
pasipol-sipol
nakangiting naglalakad
animo'y baliw na
pinakikiramdaman ang
pagtapik nito sa mga
sibol ng maliliit na buhok
sa iyong balat
sabay ang paghinga ng malalim
lakas sa pagod na puso
dilig sa tuyong damdamin


"Liway"

liwayway
sawsaw
sandali lang iyan
iiwanan sa iyo
balisawsaw ng mga limot
at malalaking pangako
liwayway
sawsaw
panandaliang sarap
pasan ang hirap
liwayway
sawsaw
araw-araw na hinanakit
at tuluy-tuloy na sakit
liwayway
sawsaw
ang lampas na laway
sa hapag ng katawan
walang saysay
basura ng buhay
liwayway
sawsaw
ang mga labi nyang
walang katuturan
liwayway
sawsaw
ang mga lambingang
walang katuturan
liwayway
sawsaw
kasing baho ng
pawis sa kaluluwa
at matunog na utot
liwayway
sawsaw
ang turing ko sa iyo
gusto kitang sapakin
kahit na may pilay ako
gusto kitang patayin
kahit na nagpipigil ako
gusto kitang sakalin
kahit na umiiwas ako
gusto kitang sipain
kahit na malayo ako
sa mata at damdamin
ebak ka lang sa buhay ko
naisip ko
masasayang lang ang oras ko
sa isang katulad mo.


"Rembo"

kombinasyon ng liwanag
sa iisang katawan na
pinagsama ng kalikasan
mahinahon sa mga mata
ganon din sa kalooban
karaniwang masisilayan
pagkatapos ng unos sa buhay
kadikit ng mailap na halaga
sa dulo nitong di matagpuan
mangangarap at
mangangarap pa ng paulit-ulit
makuha lang


"Angas"

nakakainis
nakakasuya
nagagalit ako
masakit
makirot
nasasaktan ako
mahirap
mahapdi
naiipit ako
malamig
madilim
giniginaw ako
magulo
malabo
nalilito ako
masarap
masaya
nage-enjoy ako
ilang sandali pa
susulat na ako


"Terminal"

hindi pa ako inaabutan ng
dapithapon ng aking buhay
pero naagnas na akong parang patay
ang katawan ko ay inuubos na ng
mga hindi makitang mga uod
nauupos unti-unti na parang
isang sigarilyong napabayaan
nalalansag na tulad
ng mga ngiping bulok
nilalamon ng anay
habang walang patawad
na hinahambalos ng
hindi makayanang hapdi
at nanunuot na sakit
bago pa man dumating
ang hinihintay na dapithapon
ay lusaw na akong
parang sebo sa gitna ng
galit na sinag ng katanghalian


"Unano"

nasanay akong mabuhay
sa talampakan ng lipunan
katabi ang nanlilimahid
na libag at baho
kasa-kasama ng lansangan
at inatasan yatang
mapiit sa pusod
ng hubad na kahirapan
nilalait-lait at inaapi
kahit na hindi naman
nakakalimot pumuri
sa katawan na bumubuhay sa akin
iisa lang ang aming katawan
pero hiwalay ako kung ituring
katabi ng basurahan


"Gabing Madilim"

liwanag sa likod ng
aninong kristal
babasagin kaya ubod
ingat ang mga kilos
baka kasi kaunting
galaw ay makabasag ng
hindi sinasadya
pati hininga ay pigil
nananatiling nakahimpil
sa isang sulok habang
tinatanaw sa malayo ang
kinang ng umiindak na lampara
diwa ay gising
sa kasama ng sarili
sumasabay sa ritmo ng katahimikan


"Haponesa"

nakakapagod sabayan
ang malumanay mong galaw
nakakabaliw isipin ang
angkin mong layaw
tuwing kikilitiin ako
ng iyong mga ngiti
nakakalimot din ako
na iwasan ka
dahil tawag mo pa lang
ay mabilis na akong
sumusunod papalapit
sasabayan pa ng
haplos mong malambing
ako tiyak na malulunod
parang alipin


"Sugatang Mandirigma"

sugat sa sugat na malalim
likha ng panahon
limot na parang mga pangako
sa hangin tangay-tangay at
pilit ibinabaon sa nakalipas
tumutulong sa sugat ng iba
kahit na ang sugat sa sarili
ay dumudugo pa
nanggagamot ng sakit
kahit na ang sakit ay
halos hindi matiis
mas malala pa ang
nararamdaman kumapara
doon sa tinutulungan


"Dulo"

hanggang sa dulo
ng napagkaisahan
ang dulo na hindi mapilit
ituring na katapusan
ang pag-ibig na itinutulak
pahintuin sa wakas
dahil hindi angkop
sa lugar nitong kinalalagyan
walang ng panahon sa
buhay nitong maikli
wala ring pangalawang pagkakataon
hanggang dito sa dulo na lang
tuldok ng katapusan na
sa iba ay hudyat ng panibagong simula


"Hibanger"

lakad padiretso
minsan liliko
minsan hihinto
pero lakad pa rin
walang pansin
parang umaga't gabi na
kakambal ng araw-araw
kaliwa't kanan
liliko na naman
titingin sandali sa
mga labi ng iniwanan
tapos ay magpapatuloy
sa paglalakbay patungo
sa direksyon na hindi tiyak
eekis-ekis minsan pero
pipiliting tumuwid
maya-maya ay tatawanan
na lang ang sarili


"Kubli"

koda patago
palihim na ipinakikita
sa mga piling mata't isipan
pinakikinggan lang nitong
mga nakakaintindi
may mensahe
may silbi


"Isa Pa"

kahit na lusaw na ang utak ko
sa masaganang alak na nainom
kahit na sabog na ang mga baga
sa usok ng mga sigarilyong nahithit
kahit na ubos na ang lakas
sa mga hamon ng buhay
kahit na lumiit ang pag-asa
na umahon sa mga kabiguan
kahit na tahimik na ang mundo
sa mga halakhak ng kaligayahan
susulat pa rin ako
ng kwento at mga tula
isa pa
kahit isa na lang

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1