Ngitngit: Pagsabog ng Dibdib, Kalayaan ng Isipan

Reynaldo F. Tamayo (2001)

"saling-pusa"

pinagdikit-dikit na koleksyon
ng mala-uhog na isipan
blangko sa bangketa ng
kalye nitong patintero
tinaya-taya pero hindi
minsan man nadala tumindig
para ipagpatuloy ang paglalaro
ang pahinga lang ay
higop-buga ng maruming
hangin mula sa tambutso
ng naglipanang sasakyan
humahalinghing madampian lang
ng munting pangako ng kaligayahan
nagsisintemyentong palihim
tuwing makakalimutan
nagdaramdam kipkip
ang sugat na may tapal
tangan ang puso
sa mismong tangkay


"buhay nunal"

may kwento
mula sa daigdig ng pantasya
kumikilos na parang mga buhay
na himaymay sa mundo ng bawat isa
kahit na tau-tauhan lang
nabubuhay ngunit walang
sariling buhay
parang nunal
nakapatong lang sa talukap ng balat
at nilagyan ng kaunting
lugar na hindi kailanman maaring
angkinin bilang kanya
ano mang pilit ay tuldok
walang saysay

kahit na may kwento


"sa piling ni isabel"

sa malambing n'yang mukha
napako ang tingin ko
ilang beses kong inulit-ulit
ang tagpong iyon
parang walang hangganan
kahit na naglaho na ang
mapanuksong simoy ng bango
n'ya sa paligid ay hindi ito
tumigil sa panunumbat dahil
nanunuot sa kalamnan
nangungulit na tulad ng
palagiang paghampas ng mga
alon sa dalampasigan
nang-aakit na parang musika
nakakalimot ako at napipilitang
bumalik sa linamnam ng paraiso
doon hawak-kamay naming
pinapasyalan ang ubod-gandang paligid
iniiwan ang mga suliranin at
magkasamang nginingitian
ang bawat umaga


"papel, muni-muni, tula"

hitik na hitik ang puno
na tanaw ko sa bintana
sa kabila ng bubog na pinto
sa tabi ng hagdanan
sa ibabaw ng mahabang upuan
tinatanaw ko ito habang nilulunod
ang dagat ng problema
ng aking pagod na katawan
pinahihinto ko ang oras
pansamantala
para hindi ako maabala
sa mabilis nitong pag-usad
nililinlang ko ang sarili na
makinig sa sigaw ng katahimikan
habang tangan ang maliit na papel
at isinusulat ang tulang ito


"mukha"

mukha sa gitna ng mga mukha
nangingibabaw sa lahat
umiilalim na parang wala
mga mukha sa gitna ng
mga nilalang na walang makilala
itong nag-iisa ay wari bang
matagal ng kakampi
isang kaibigan na siguro'y
medyo nakalimutan
isang kakilala na minsan
ay nakasama kung saan
pero saan
paano at kailan
sino s'ya
pamahiin ba o guni-guni
s'ya ay wala
nasa isip lang nilang
nagpipilit makaalala
kakambal ng nalilitong kamulatan


"isang saglit na matagal"

sandali lang
mag-usap man lang
magtinginan
magngitian
kahit plastik pagtyatyagaan
matagal-tagal ko na rin
kasing hinintay
na ikaw ay masilayan
halos nabura na
ang lahat sa isipan
maliban lang siguro
sa mga maliliit na kumpol
ng matatamis na ala-ala
iniligaw ngunit nakuhang
hanapin ang daan pabalik


"kumaway si dyesebel sa parang"

nilasing ako ni dyesebel
pinilit n'yang isiksik sa makipot
kong kukote ang palikpik
ng kanyang kagandahan
nilamon ako ng kanyang
mabangong katawan at
para bang halos ito ay
isalampak sa aking
pagmumukha kahit na
hilung-hilo na ako
akala n'ya siguro ay
pakakawalan ko pa s'ya
dahil namumula na ako at
ang mga mata ko'y
namumungay na sa kalasingan
hindi oy
hindi ka makakawala
aangkinin kita bago
matapos itong gabi


"karbonel"

asal karbon
sa madilim na mundo
nakasusulasok
pigil ang hininga
palipad-lipad na kasama
ang alikabok ng munting buhay
agaw-hininga sa malayang
bulusok ng dakilang hangin
pinipigil ang daloy ng kaluluwa
pinapatay sa lason
sinasakal
nilalamo
n


"anonymous"

basta naakit ako
minsan ay nararamdaman ko
siguro ang mga palihim na tingin
mabilis at mailap pero parang
nararamdaman kong dahan-dahan
ang paghaplos nito sa akin
tinatawag akong lumapit
nang-aakit kahit bawal
at dahil nga bawal
mga sandali iyon na kumpleto na


"anonymous 2"

naglalambing pa s'ya
no'ng aking iwanan
pikit-mata kong ginawa 'yon
hindi na ako lumingon
dahil baka hindi ko na
magawang ipagpatuloy ang balak
masakit tanggapin
mahirap gawin
pero kahit na pilitin
ay parang hindi talaga maaari
mas maraming masisira
mas maraming mawawala


"sa direksyon ng tinig"

wala ng tao
tahimik na
walang buhay
parang walang nilikha
sa mundong galing sa alabok
kahit na sumigaw ng walang
patid ay hindi alintana ang
pansin ng sinoman
kasama ay katawang naghihimutok
sa matinding tapik ng pagod
habang patuloy na nagpapahayag
sa harapan ng mga bulag na
tagapakinig at binging manonood
hindi na mahalaga
dahil wala naman sila


"makata na raw"

tinta na dugo ng panulat
isip na katas ng tula
halu-halo na parang giniling
sa hapag ng walang gutom
na kaluluwa maligalig
at malikot ngunit
matiyagang nakikisama
sa paligid na parang anino
tulo-laway minsan at nakatanga
sa kalalabasan ng pinanonood
bukas sa resulta
nakanganga sa bawat salita


"yakap sa tabi-tabi"

labing-labing
kising-kising halik na malapot
magkabuhol ang mga dila
pati kaluluwa ay sabit
kikindat-kindat kunwari
pero ilalabas ang mabahong
hininga na pamatay-kulisap
tapos ay tutuksuhin na
makipaglampungan maghapon
bayu-bayo hugot-tusok
ngiting bungisngis pa rin s'ya
kahit na ayaw nang
gawin dahil lang pinipilit
tapos ay magyoyosi
at iisiping isang ordinaryong
araw lang ang lumipas

balik sa main page

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1