Bungang-Tulog II

Reynaldo F. Tamayo (2001)

ako ay nanaginip. nanaginip ng walang patid habang hindi ako nito sinisingil. nagtampisaw muli sa balon ng isipan. hinatak paibaba ng antok. pumupungay ang mga mata. titiklop, unti-unti, didilat pa kunwari. babagsak ang talukap, lilipad patungo sa mundo na ako ang hari at alipin.

ang mundong iniwan ko noon. sa may disyerto habang hinihintay ang alindog ni carmen. kasama ko si mamerto na nakahilata sa kamang buhangin habang pinakikinggan ang paglubog ng araw. sa malapitang inspeksyon, mga maliliit na bubog ito ng diyamante na tila buhangin. mamahaling hiyas na tinutuntungan lang ng mga ligaw na kaluluwa namin ni mamerto.

wala pa rin akong katawan pero hindi na bale dahil kami ni mamerto ay halos iisa. sa bahaging iyon ng aming karanasan ay masasabi ko sigurong may katawan na rin ako kahit na wala talaga. kahit na parang utot lang ako sa hangin. pakalat-kalat at hindi tiyak ang direksyon. diwa lang. may diwa na hindi kailanman maibahagi.

sabi ko naman sa iyo mamerto hindi bagay ang tulad mo rito sa disyerto. malakas ka pa at maligalig. sundin mo ang daan na itinuturo sa iyo ng galit mo. malayo ang mararating mo. mas marami kang matutuklasan keysa bulto ng buhangin at ligaw na tinig na walang katawan. mas marami kang mabubuksang pinto. mas marami kang makakaaway pero tiyak ko namang magwawagi ka. oo mamerto, kilala na kita. hindi mo pa ba matanggap na iisa tayo?

handa na akong sumabay sa kwento ng paglalakbay mo. handa na akong sumunod sa hiling ng kapalaran na hanapin natin si carmen. hindi man natin sya mabawi sa kamay ni igme ay masaya na akong masilayan syang muli. mahagkan ang mga putik na kanyang dinaanan kahit na sa isip lang. sa isip lang dahil wala nga akong katawan. ewan ko kung ano pa ang magagawa mo pag nagkita kayo. ikaw ang may katawan. ikaw ang mas may kakayahan. nasa iyo nakasalalay ang mga susunod na pahina ng kapalaran natin dito sa init ng disyerto.

hindi pa rin nagbago si mamerto makalipas ang isandaang siglo. hindi sya halos kumilos. nagawa nyang linlangin ang mundo na si carmen ay hindi man lang nya nakilala. tahimik. walang kibo pero nararamdaman ko ang lahat ng panlulumo at lungkot sa kalamnan nyang pagod. ako itong walang katawan kaya walang karapatang mapagod. hindi ko maintindihan pero tiyak kong napapagod din ako. nararamdaman ko ang pagod naming dalawa. parang ako ay kaluluwa na isinumpang mamuhay ng hiwalay sa kanyang katawan. ang mga hangin, tubig, apoy, damdamin, at lahat ng iba pang nakikita o hindi ay walang duda na ako rin. lahat ay nasa diwa ko. pati si mamerto. sya ay ganon din sa akin.

balde-baldeng ulan at usok ng insenso ang sumalubong sa dako pa roon. sakay sa pakpak ni oying ay binaybay natin ang ulap. kaylamig ng mga ulap. ulap na kasintamis ng mga asukal na iba't-iba ang kulay. sige. kainin kung mahahawakan. nguyain kung may bibig. tikman kung nasa dila. ilang sandali pa ay maglalaro tayo doon sa mas malayo at mas mataas na langit. ilang sandali pa ay makikita na natin ang diyos.

mamahalin ko ang mga araw na iyon ng paglalakbay habang nasa isip ang hindi matapus-tapos na ngiti ni carmen. yon ang nagiging lakas ko tuwing makikita kong nanghihina ka mamerto. sa palagay ko ay pinalalakas din nya ng kaunti ang loob ko kung nakatitig ang mapupungay nyang mata sa akin. si carmen talaga. hindi man nya ako nakikita'y parang ako na rin ang kanyang pinagmamasdan kapag nakatingin sya sa iyo. sana ay makasama naman natin sya minsan sa ating paglalakbay. kahit na siguro isama rin nya si igme para lahat tayo ay masaya.

istasyon ng pakikibaka. istasyon ng pamamahinga. samu't-saring mukha ng mga kaibigan at kakilala. parang mga dampi ng hangin sila sa ating paglalakbay. may mga bahagi na matututunan mong kasuklaman at mahalin gaya ng sariling buhay. may mga bahaging gustong kalimutan pero masarap alalahanin. parang mga suntok sa sarili. parang tapik sa balikat. parang mga anino na hindi mawala-wala lalo na sa dilim dahil doon ito namumuhay. hininga. kakambal na ng sariling hininga. gaya ng hangin ang lahat ay lilipas at mawawala.

doon sa may dakong silangan ko unang nakita kayo ni carmen. malabu-labo na ang tingin ko noon pero mas maliwanag pa sa umaga ang alala. kailanman ay hindi ko na muli pang nakalimutan. ikaw at ako nga pala ay iisa kaya hindi na nabura ang tagpong iyon dahil nanatili rin ang lahat sa isipan mo. tama ka mamerto, masarap ding ulit-ulitin minsan ang mga lungkot na pinagdaan natin noon. ang mga mapapait na sa karamihan ay sinusuka. nag-iiwan ng mapaklang lasa sa dila at lalamunan pero nilulunok. hanggang sa panlasang lihis ay nagkasundo tayo.

inabot tayo ng gabi bago marating ang tore ng karunungan. ayon sa sabi ng mga kulisap, doon dinala ni igme si carmen. ewan ko lang kung totoo pero nananalig akong pagbibigyan pa tayo ng kapalaran na masilayan si carmen. hindi ba't sya ang dahilan ng walang tigil na tagisan ng panaginip. si carmen ang kaluluwa ng lahat ng ito. sya ang tunay na kaluluwa. sya ang buhay. ikaw mamerto, at ako, ay kapwa lang nya alipin. minsan nga ay nanalangin ako. humingi ng lakas ng loob na palayain sya sa isip ko. baka kasi sakaling palayain din nya ako. hindi ko nagawa.

malungkot ang ihip ng hangin at tila nagluluksa ang tore. ilang sandali pa'y nakita na natin si carmen sa may gitnang bahagi ng malaking silid. natutulog. masama ang kutob ko. maya-maya ay naramdaman ko na hindi natutulog si carmen. sya ay pumanaw na. iniwan lang ang kanyang kagandahan sa katawang iyon habang tangan-tangan ang damdamin natin. halos lumuha ako ng buhangin noong maramdaman ko ang nanunuot na kalungkutan. wala akong mata, wala akong katawan. kahit pala pag-iyak ay hindi ko kayang gawin. alam kong hindi ka luluha mamerto dahil matibay ka. pero kung hindi mo gagawin ay baka sumabog iyang dibdib mo dahil tiyak na nararamdaman mo ang masidhing kalungkutan ko. iiyak ka rin. iiyak ka pero hindi mo ipakikita para hindi madungisan ang matigas mong damdamin. iiyak ka dahil tayo ay iisa.

naglakad ka ng naglakad patungo sa direksyon na hindi mo alam. nilunod mo sa pagod ang lungkot natin. tayo na lang dalawa. tayo na naman ang natitira. hindi na natin kailan pa man makakasama sa paglalakbay si carmen. hindi na natin sya makakasamang pakinggan ang paglubog ng araw. hindi na natin sya makakapiling sa mga darating pang umaga dito sa mundo ng disyerto.

---WAKAS---

balik sa main page

Dedication Pasasalamat Maikling Intro Ang Pagbabalik Bungang-Tulog 2 Mga Tula Namin ni Kai Amag Ngitngit Kolorum Bitter-Sweet Delight Kanin Baboy Episode 1